Nakikinig lamang ako ng isang awit
Nang ‘di ko namalayang sa aking pagpikit
Unti-unting tumulo ang mga luha
Hindi ko na napigilan hanggang manawa
“Oh, kay tagal din kitang minahal…”
“Oh, kay tagal din kitang minahal…”
Hindi ba’t ito ang awiting iyong napakinggan?
Na kung saan nang minsa’y sinabi mong sa’yo ay nagbigay
Ng mga libong emosyong puro naman sablay
Sa saknong ng mga kanta’y nadama ko
Kung saan banda bumilis ang pag-agos ng mga sakit sa’yo
Kasabay ng ritmo ay bumalik din sa akin
Noong ako ay dating nasa kalagayan mo
Nais ko sanang pawiin ang lahat
Na kuhanin ang lamat at sa’yo ay magtapat
Ngunit, subalit, bagama’t , datapwat
Pinipigilan ko ang sariling ‘di sapat
Dahil sa kahapong sa akin ay dumali
Ikaw na rin ‘diba ang nagsabi
Protektahan, unahin ang sarili?
Ayaw kong pangunahan ang kalawakan
Sa maaring maganap sa ating dalawa
Sa pagkakakilala ko naman sa’yo
Kung gusto mo ay gagawin mo
‘Yan ay pagkatapos mong isantabi ang mga nagmumulto sa’yo
Ibibigay mo ang lahat-lahat sa’yo
Walang ibang dahilan para hindi
Basta naisin mo, hindi na mababali
Kaya daanan ang dapat daanan
Iiyak ang dapat iyakan
Patawarin ang sarili
Ang galit ay hindi mabuti
Mabuhay ka, pumikit, tumalon
Wala ka mang makita sa paroon
Asahan mong matagal na akong andoon
Tangan tangan ang kapeng may yelo
“Venti, iced coffee” sabi mo