Malayang naglalakbay ang mga tipa ng aking mga daliri sa puting pahinang ito.
Walang patutunguhan na animo isang paslit sa gitna ng nanahimik at madilim na daan.
Gabay lang ng aking lutang na isip kasabay ang unti-unting pagsungaw ng mga titik ngunit walang laman.
Sulat.
Bura.
Sa makabagong panahon, ako ay isang kaluluwang nabilanggo sa kahapon. Madalas ay wala ang diwa sa ngayon na para bang ako ay nabubuhay noon.
Lutang ang isip.
Sa aking pagpikit, maraming ideyang kumakapit na para bang milyong larawang nagsusumiksik sa aking gunita na kahit nakadilat at nakikipag-usap ay wala.
Idlip.
Nais kong pumikit at sa kawalan ay tangayin ng umiikot na dilim nang tuluyang matagpuan ang kapayapaan ng isip.
Sa ingay ng mundong ito, sana’y may isa na maririnig ako na kahit puno ng malalabong sulat ang kwadernong ito ay wala ng dapat ipaliwanag pa.
Tinta sa tinta, papel sa papel.
Katahimikan.